Tuesday, June 14, 2011

Mga Akdang Patula



Mga halimbawa ng Filipinong Bugtong (Rhymes)

*      Dalwang magkaibigan. Habulan ng habulan – PAA
*      Hindi hari, Hindi pari. Nagsusuot ng sari-sari. – SAMPAYAN
*      Hindi tao, hindi ibon. Bumabalik ‘pag itapon. – YOYO
*      Mataas kung nakaupo. Mababa kung nakatayo. – ASO
*      Bahay ni Tinyente. Nag-iisa ang poste. – PAYONG
*      Palda ni Santa Maria. Kulay ay iba-iba. – BAHAGHARI
*      Ako ay may kaibigan. Kasama ko kahit saan. – ANINO
*      Hayan na, Hayan na. ‘Di mo pa makita. – HANGIN
*      Iisa ang pasukan. Tatlo ang labasan. – DAMIT
*      Eto na si Kaka, bubukabukaka. – GUNTING
*      Nagtago si Pedro, labas ang ulo. – PAKO
*      Hindi reyna. Hindi prinsesa. Ngunit may korona. – BAYABAS
*      Isang magandang dalaga. ‘Di mabilang ang mata. – MAIS
*      May langit. May lupa. May tubig. Walang isda. – BUKO
*      Dalawang batong itim, malayo ang mararating. – MATA
*      Bahay ni Mang Pedro, punong-puno ng bato. – PAPAYA
*      Hinila ko ang baging, sumigaw ang matsing. – KAMPANA
*      Sa isang kalabit, may buhay na kapalit. – BARIL
*      Isang prinsesa, nakaupo sa tasa. – KASOY
*      Nagbibigay na, sinasakal pa. – BOTE

Mga Halimbawa ng Salawikain

Nasa Diyos ang awa,
nasa tao ang gawa.

Kapag ang tao'y matipid,
maraming maililigpit. 

Ano man ang gagawin, makapitong iisipin.

Ang hindi napagod magtipon,
walang hinayang magtapon.
Ubus-ubos biyaya, pagkatapos
nakatunganga.



 

Biag ni Lam-ang

 Bokals
 
Biag ni Lam-ang
(Epikong Ilocano)

Sa lambak ng Nalbuan sa baybayin ng Ilog Naguilian sa La Union ay may mag-asawang kilala sa pangalang Don Juan at Namongan.

Nang malapit nang magsilang ng sanggol si Namongan, nilusob ng tribo ng Igorot ang nayon at pinatay ang maraming tauhan ni Don Juan. Sa laki ng galit, nilusob naman ni Don Juan ang mga Igorot upang ipaghiganti ang mga tauhan niya. Hindi na nakabalik si Don Juan sa kanyang nayon. Ang naging balita, siya ay pinugutan ng ulo ng mga Igorot.

Isinilang ni Namongan ang kanyang anak. Ang sanggol ay nagsalita agad at siya na ang pumili ng pangalang Lam-ang at siya na rin ang pumili ng kanyang magiging ninong.

Nang malaman ni Lam-ang ang masakit na nangyari sa kanyang ama, sumumpa siyang ipaghihiganti niya ito. Sa gulang na siyam na buwan pa lamang, ay malakas, matipuno at malaking lalaki na siya. Ayaw man siyang payagan ng kanyang ina upang hanapin ang bangkay ng kanyang ama, ay nagpilit din si Lam-ang na makaalis.

Kasama niya sa pagtungo sa lupain ng mga Igorot ay isang mahiwagang tandang, ang tangabaran, at mahiwagang aso. Baon rin niya ang kanyang talisman mula sa punong saging. Sa tulong ng kanyang talisman ay madali niyang nalakbay ang mga kabundukan at kaparangan. Sa laki ng pagod ni Lam-ang, siya ay nakatulog. Napangarap niya ang mga Igorot na pumatay sa kanyang ama na nagsisipagsayaw at nililigiran ang pugot na ulo ng kanyang ama. Nagpatuloy si Lam-ang sa paglalakbay at narating ang pook ng mga Igorot. Nakita niya ang ulo ni Don Juan na nasa sarukang, isang haliging kawayan.

Hinamon ni Lam-ang ang mga Igorot. Pinauwi ng mga Igorot si Lam-ang upang sabi nila'y huwag matulad sa ginawa nila kay Don Juan. Sumigaw ng ubos lakas si Lam-ang at nayanig ang mga kabundukan. Ang tinig niyang naghahamon ay narinig ng marami kaya't dumating ang maraming Igorot at pinaulanan si Lam-ang ng kanilang mga sibat. Hindi man lamang nasugatan si Lam-ang. Nang maubusan ng sibat ang mga Igorot ay si Lam-ang naman ang kumilos. Hinugot niya ang mahaba niyang itak at para lamang siyang tumatabas ng puno ng saging, na pinagpapatay niya ang mga nakalaban.

Umuwi si Lam-ang sa Nalbuan. Naligo siya sa Ilog Amburayan sa tulong ng mga dalaga ng tribu. Dahil sa dungis na nanggaling kay Lam-ang, namatay ang mga isda sa Ilog Amburayan at nagsiahon ang mga igat at alimasag sa pampang.

Matapos mamahinga ay gumayak na si Lam-ang sa pagtungo sa Kalanutian upang manligaw sa isang dilag na nagngangalang Ines Kannoyan. Kasama ni Lam-ang ang kanyang mahiwagang tandang at mahiwagang aso.

Sa daan patungo sa Kalanutian ay nakalaban niya ang higanteng si Sumarang. Pinahipan ni Lam-ang sa hangin si Sumarang at ito ay sinalipadpad sa ikapitong bundok.

Sa tahanan nina Ines ay maraming tao. Hindi napansin si Lam-ang. Tumahol ang mahiwagang aso ni Lam-ang. Nabuwal ang bahay. Tumilaok ang mahiwagang tandang. Muling tumayo ang bahay. Napansin si Lam-ang.

Ipinagtapat ng tandang at aso ang kanilang layunin. Nais pakasalan ni Lam-ang si Ines. Hindi naman tumutol ang mga magulang ni Ines kung magbibigay si Lam-ang ng panhik o bigay-kaya na kapantay ng kayamanan nina Ines.

Nagpadala si Lam-ang ng dalawang barkong puno ng ginto at nasiyahan ang mga magulang ni Ines.

Si Ines at si Lam-ang ay ikinasal nang marangya at maringal sa simbahan. Pagkatapos ng kasalan, bilang pagtupad sa kaugalian ng mga tao sa Kalanutian, kailangang manghuli si Lam-ang ng mga isdang rarang. Nakikinikinita ni Lam-ang na may mangyayari sa kanya. Na siya ay makakain ng pating berkahan. Ipinagbilin ni Lam-ang ang dapat gawin sakaling mangyayari ito.

Si Lam-ang ay sumisid na sa dagat. Nakain siya ng berkahan. Sinunod ni Ines ang bilin ni Lam-ang. Ipinasisid niya ang mga buto ni Lam-ang. Tinipon ito at tinakpan ng saya ni Ines. Inikut-ikutan ng mahiwagang tandang at mahiwagang aso. Tumilaok ang tandang at tumahol ang aso.

Walang anu-ano'y kumilos ang mga butong may takip na saya. Nagbangon si Lam-ang na parang bagong gising sa mahimbing na pagkakatulog.

Nagyakap si Lam-ang at si Ines. Kanilang niyakap din ang aso at tandang. At namuhay silang maligaya sa mahabang panahon.




 Halimbawa ng Tulang Liriko:            Sa Dalampasigan
ni Teodoro A. Agoncillo

I.
O mumunting alon!
Buhat sa magalas na batong tuntungan,
Namamalas kitang tumatakbo-takbo’t sumasayaw-sayaw
Bago ka humalik sa dalampasigan.
Sa sinasayaw-sayaw, sa tinakbu-takbo ikaw ay kundimang
Namadmad sa labi ng isang kariktan!
Sa sinayaw-sayaw at hinalik-halik sa aking paanan,
Titik kang masigla ng luma ng talindaw.
O mumunting alon! Buhat sa magalas na aking tapakan,
Ikaw ay piraso’t nagkadurog-durog na sultanang buwan!

II
Buhat sa malayo,
Ikaw’y dambuhalang busilak ng bagwis,
Na kung ibuka mo’y parang niwawalat ang pinto ng langit,
Sa pananambulat ng iyong tilamsik
Ay nasaksihan ko ang pagkadurog-durog ng mga daigdig!
Habang sa malayo ikaw ay mabagsik,
Maamung-maamo, mayuming-mayumi ikaw kung lumapit!
Sa buhanging tuyo’t may kislap na init,
Marahang-mabining idinarampi mo ang wagas na halik!

III
Lumapit-lumayo
Ay pinapawi mo ang kayraming bakas
Na sa buhangina’y limbag na balita ng gabing lumipas,
Aywan kung ang mga magkatabing yapak
Ay pinawi mo rin sa bisa ng iyong pagliyag
Kung magkagayon man, nais kong isulat
Na “ibig ko na ring ako’y maging isang dagat na malawak;
Ako, sa ganito, ay magkakapalad
Maging kahalikan ng tuyong buhangin sa tabi ng dagat!
Sa ganya’y lagi nang mayroong kabulungan at kayakap-yakap!”

IV
At ang mga bulong
Sa aki’y di ingay kundi mga awit
Ng pag-aanasan at pagsusumpaan ng lupa at tubig!
At sa paanan ko kung aking mamasid
Ang paghahabulan ng along animo’y kumakabang dibdib
Ng isang dalagang bago pang ninibig
Nais kong mawala, matunaw at muling iluwal ng langit,
Nang di ko madama yaring tinitiis!
Sa aki’y di ingay ang naririnig ko- kundi mga tinig
Niring kaluluwang di man lumuluha’y may piping hinagpis!



RSDAY, JULY 24,

SONETO SA BATANG MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(nalikha ang tulang ito matapos ang isang talakayan hinggil sa batang manggagawa sa Child Rights Program ng KPML)

Kami ay batang manggagawa
Nangangalahig ng basura
Paputok din ay ginagawa
Sa dagat, nagpapasabog pa.

Mga gawaing delikado
Itong aming mga trabaho
Bata pa’y isa nang obrero
O lagi na lang bang ganito?

Ano bang aming karapatan
Nais namin itong malaman
Para sa’ming kinabukasan
Dinggin ang aming panawagan:

“Ayaw namin sa basurahan
Nais namin sa paaralan!”



Elehiya para kay Renato Constantino

galing sa aklat ni Bienvenido Lumbera na POETIKA/POLITIKA: Tinipong mga Tula


Tutulaan kita ng tulang malumbay,
Tula ng hinagpis at panghihinayang:
Kaming inulila ng iyong paglisan
Nagpapasalamat at kami'y dinalaw.

Lahat ng akda mo tungkol sa lipunan,
ilaw na nagbukas sa daming pintuan,
Ang pinasok nami'y bulwagan ng araw,
Sumanib sa amin ang kaliwanagan.

Tutulaan kita ng tulang mapayapa,
Tulang kikilala sa iyong adhika
Na ang kasaysayan ay mula sa ibaba
Ay maisasalaysay ng mga naaba.

Itong sambayanang itinanikala,
Binigyan ng dila't pinagpagsalita,
Kanilang himagsik at mithiing paglaya,
Binigyan ng puwang ng diwa mo't katha.

Tutulaan kita ng tulang maalab,
Tulang nagbabaga, tulang nagniningas,
Aking itatanghal anmg plumang pangahas
Na nagbigay talim sa pamamahayag.

Ang lipunan nati'y tinistis mong ganap,
Anino at tabing ay iyong nilaslas,
Piyudal at kolonyal sabay itinambad,
Kamalayan nami'y pinapaglagablab.

Ngayong nalulumbay ang sambayanan,
Pamanang liwanang iinagt-ingatan,
aariing dupil ng giting at tapang,
Gagawing sandata sa pakkilaban.

Kaming pinalaya ng kaliwanagang
Dulot ng diwa mong katimyas-timyasan,
Uusigin namin ang kinabukasan,
At tutuluaan ka ng tulang palaban.


1 comment:

  1. Gusto mo ba ng online work?
    Earn while you enjoy time with your Family & Lovedones!
    Email me: tirada_uno_23@yahoo.com / tiradauno@gmail.com / n.helphelphelp@gmail.com
    Contact Number: 09465046302
    For more details, kindly visit http://www.unemployedpinoys.com/

    ReplyDelete